Dolly Cabreza
Kung dati ay tinatawag na ‘kangkungan’, kikilalanin na bilang ‘Singapore’ sa Pilipinas ang lalawigan ng Tawi-Tawi matapos isagawa ang ‘investment contract signing and ground breaking’ para sa ‘special economic zone and transshipment port’ sa nasabing lalawigan.
Binuo ni Prof. Sajid Omar Adil ang konsepto ng economic zone at pagkakaroon ng transshipment complex matapos itong magsagawa ng pag-aaral tungkol sa napakagandang oportunidad na dulot nito hindi lamang sa lalawigan ng Tawi-tawi kundi maging sa buong Mindanao.
Si dating Tawi-Tawi governor Hadji Sakidul Adalla Sahali ang nagpursigi at nagsikap na maisaayos ang mga dokumentong kinakailangan upang maipatupad ang proyekto, kasama na rito ang pagsasaayos sa mga kinakailangang requirement gaya ng batas mula sa Kongreso upang payagang magkaroon ng economic zone sa Tawi-Tawi. Si Sahali rin ang gumawa ng mga hakbang upang agarang magkaroon ng mga potensyal na mamumuhunan at masimulan agad ang trabaho upang maitayo ang eco-zone at ang transshipment port.
Kapag nabuo na at naging operational na ang naturang proyekto, inaasahan na magpapasok ito ng P50 bilyon hanggang P80 bilyon sa kaban ng bayan bawat taon at tiyak na magbibigay din ito ng libo-libong trabaho para sa mga taga-Mindanao.
Maliban sa pagiging economic zone at transshipment complex, plano rin na gawing isang tourism “superstar” ang Tawi-Tawi dahil sa mga napakarami nitong mga malilinis at magagandang mga baybaying-dagat.
Sinaksihan at nagpahayag naman ng suporta sina dating Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel at dating Presidential Political adviser Francis Tolentino na kapwa dumalo sa groundbreaking ceremony para sa itatayong Tawi-Tawi economic zone at Tawi-Tawi Transshipment Port sa bayan ng Bongao.