Kabilang na ang isdang tawilis ng International Union for the Conservation of Nature (IUCN) ng mga endangered species o nanganganib na mawala sa mundo.
Ang tawilis ang nag-iisang freshwater sardine sa buong mundo.
Kabilang umano sa mga banta sa lahi ng tawilis ang sobrang paghuli rito, iligal na paggamit ng mga fishing gear gaya ng motorized push net at ring net, paggawa ng mga fish cage at pagdumi ng katubigan.
Nabatid sa ulat ng IUCN na 1998 pa umano nagsimulang bumaba ang bilang ng mga nahuhuling tawilis sa Taal Lake sa Batangas kung saan dito lang matatagpuan ang nasabing isda.
Batay umano sa pag-aaral, bumaba ang mga nahuhuling tawilis mula pa noong 1998 sa 49%.
Kaugnay nito, inihayag naman ng ilang mga fish vendor na nasa 50% ang itinaas ng presyo ng tawilis dahil na rin sa kakulangan ng supply nito.
Nabatid na noong nakaraang taon ay nasa P80 kada kilo ng tawilis gayunman, pagpasok ng 2019 ay sumirit na ito sa P120 kada kilo.