Hindi muna ipatutupad ng Bureau of Customs (BOC) ang panuntunan sa pagpapadala ng consolidated balikbayan box ng mga overseas Filipino workers (OFW) nang walang babayarang buwis.
Ito ay sa harap ng tumataas na reklamo mula sa mga OFWs kaugnay sa nasabing tax-exempt privilege.
Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapeña, patuloy na nakakatanggap ang BOC ng mga reklamo tungkol sa mabusising rekisitos na hinihingi ng kawanihan para malibre ang balikbayan box mula sa buwis.
Kaugnay nito, nagpalabas si Lapeña ng memorandum na nagsususpinde sa Customs Administrative Order 05-2016, Customs Memorandum Order 04-2017, at registration requirement ng mga de-consolidator.
Sa ilalim ng mga nabanggit na kautusan, inilatag ang mga panuntunan para sa pagkakaloob ng tax-free privilege sa mga balikbayan box.
Ang suspensyon sa dalawang kautusan ay tatagal hanggang March 31, 2018.