Tax ng Inang Bayan mo

noli-cruz-all-n

Kung alam lang sigu­ro ni Hossein Ensan na magiging matagumpay siyang poker player, ma­lamang na hindi Germany ang kanyang nilipatan nang umalis siya sa kanyang bansang sinilangan na Iran halos tatlong dekada na ang nakakaraan.

Bago pa man koronahan bilang bagong world champion sa poker si Ensan noong nakaraang linggo ay isa na siyang established poker star na milyong dolyar na ang kinita sa mga torneo. Nadagdagan pa ito ng $10 milyon matapos niyang masungkit ang titulo sa World Series of Poker (WSOP) Main Event kung saan tinalo niya ang mahigit walong libong manlalaro.

Pero magkano nga ba talaga ang mapupunta sa kanya mula sa kanyang napanalunan?

Kung pagbabasehan ang tax rate ng Germany para sa professional player na katulad ni Ensan, 42% o $4.2 milyon ng kanyang kinita ang ibibigay niya sa gobyerno ng kanyang nilipatang bansa. Germany ang may pinakamalaking tax na ipinapataw sa mga professional gamblers.

Masuwerte naman ang 21-anyos na si Nick Marchington ng Great Britain dahil walang tax na ipinapataw sa professional gamblers ang kanyang bansa. Nakapasok sa final table si Marchington at nakapag-uwi ng $1.53 milyon.

Maluwag naman ang halos lahat ng bansa sa mga recreational players dahil hindi nila pinapatawan ng tax ang tournament winnings ng mga ito. Pero iba ang kaso sa Estados Unidos dahil recrea­tional o professional player ka man ay parehong 25% ang tax na babayaran mo.

Wala sa tax table na nakita ko para sa mga professional gamblers ang bansang Pilipinas pero base sa mga impormasyong nakalap ko at sa personal na eksperiyensya ay buong nakukuha ng mga poker players natin ang kanilang napapanalunan.