Isinusulong ni Navotas Rep. Toby Tiangco na alisin na ang tax privilege na ibinibigay sa mga telecommunication companies para makalikom ang pamahalaan ng dagdag revenue at ito umano ang siyang ipapalit na itinutulak ng administrasyon na pagpataw ng excise tax sa diesel, kerosene at LPG na direktang tatama sa taumbayan.
Sa inihaing House Bill 5089 ni Tiangco, pinababawi nito sa Kongreso ang pribilehiyo ng telcos na libre sa buwis ang kanilang pag-aangkat ng mga materyales at kagamitan sa kanilang operasyon.
Ayon kay Tiangco. kung papatawan ng excise tax ang petroleum products ay ang publiko ang papasan nito dahil tiyak ang domino effect nito sa pasahe at presyo ng pangunahing bilihin na hindi umano makatwiran lalo at hindi naman magkakaroon ng agarang pagtaas sa sahod.
Subalit kung ang tax privileges ng mga telcos ang pagtutuunan ng pansin ay ang mga telco companies lamang ang papasan nito dahil hindi maaari ang pass on provision sa mga subscribers.
Maliban sa tax privilege ay pinasisilip din ni Tiangco ang hindi pagbabayad ng Local Business Tax ng mga Telcos at ang panukala nitong pagbayarin ang mga kumpanya ng komunikasyon ng franchise tax na katumbas ng 3% ng kanilang kabuuang kita kada taon.