Aprubado na sa committee level sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Comprehensive Tax Reform Package kung saan ililibre ng buwis ang mga manggagawa subalit itataas na naman ang excise tax ng mga produktong petrolyo.
Sa botong 17 yes, 4 no at 3 abstention, lumusot na sa House Committee on ways and means ang substitute bill ng House Bill 4774 at nakatakdang iakyat na sa plenaryo para pagdebatehan at pagbotohan.
Inabot ng gabi ang committee hearing na pinamumunuan ni Quirino Rep. Dakila Karlo Cua kahapon na unang pulong mula ng bumalik sa kanilang trabaho kung saan agad na tinalakay ang resulta ng trabaho ng binuong Technical Working Group (TWG).
Sa nasabing panukala, ililibre o wala ng babayarang income tax ang mga manggagawang sumasahod ng P250,000 kada tao at ang sobra dito ay saka lang sisingilin ng karampatang buwis.
Gayunpaman, itataas ang excise tax ng mga produktong petrolyo tulad ng unleaded ng hanggang P10 mula sa kasalukuyang P3.65 bawat litro habang ang diesel, liquified petroleum gas (LPG) na libre ngayon sa buwis ay papatawan na ng excise tax.