Taxi driver sa kaso ni Carl pinatay na rin?

Matapos na matagpuang patay na ang 14-anyos na si Reynaldo de Guzman alyas Kulot na huling nakitang kasama ng 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz bago ito mapatay ng mga alagad ng Caloocan City Police ay nangangamba na rin ang Public Attorney’s Office (PAO) na pinatahimik na rin ang taxi driver na hinoldap umano ni Arnaiz.

Huli umanong nakita sa opisina ng kanyang employer ang taxi driver na si Tomas Bagcal noong nakaraang araw ng Martes, ngunit matapos noon ay hindi na ito muling nakita ng kanyang mga katrabaho at inabandona na rin nito ang inuupahang bahay.

Ayon kay PAO Chief Atty. Persida Chief ay nangangamba sila na baka pinatahimik na rin si Bagcal upang hindi na umano makapagsalita hinggil sa talagang nangyari noong madaling-araw nang siya ay holdapin umano ni Carl noong Agosto 18 ng taong kasalukuyan.

Matatandaang nangyari ang insidente sa kahabaan ng C3 Road, Barangay 28 ng nasabing lungsod. Base sa police spot report ay naglalakad umano noon sa nasabing lugar si Carl nang kanilang sitahin dahil na rin sa pagresponde nila sa paghingi ng tulong ni Bagcal na hinoldap umano nito. Pinaputukan umano sila ni Carl dahilan upang gantihan na rin nila ito ng putok na agaran niyang ikinasawi.

Pero taliwas ito sa resulta ng autopsy na isinagawa ng PAO kung saan nakita na may mga palatandaan na tinorture si Carl bago pinatay.