Sugatan ang isang binatang taxi driver nang holdapin at saksakin pa ito ng kanyang pasahero sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Agad namang nalapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Florencio Molina, 38-anyos, na nagtamo ng mga sugat sa ulo at braso mula sa screw driver na ginawang armas ng naarestong suspek na si Angelo Castro, 35-anyos, walang trabaho at nakatira sa Evangelista St., Barangay 168 sa nasabing lungsod.
Base sa isinumiteng ulat ni Pasay City Police chief Sr. Supt. Noel Flores, dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng C-5 Extension malapit sa isang gasoline station na sakop ng Barangay 201.
Nabatid sa imbestigasyon na sumakay ang suspek sa pinapasadang taxi ng biktima sa Evangelista Street pero pagdating nila sa naturang lugar ay nagdeklara ng holdap.
Tinutukan ng suspek ng screw driver ang biktima pero nang akmang papalag si Molina ay inundayan ito ng saksak sa ulo at braso na mabuti na lamang at hindi napuruhan.
Tiyempong nagpapatrolya ang mga tauhan ng Kalayaan Police Community Precinct sa lugar at nakahingi ng saklolo ang biktima na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Binitbit ang suspek sa nasabing presinto at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.