Taxi pa more; reklamo pa more?

spy-on-the-job-newbox rey marfil

Malamang maraming taxi driver ang abot-tenga­ ang ngiti nitong nagdaang mga araw matapos suspindihin ng Land Transportation Franchising and Regu­latory Board (LTFRB) ang prangkisa para mag-­operate ang transport network vehicle service (TNVS) na Uber.

Sa dami ng unit o sasakyang nakapailalim sa Uber na tinatayang nasa 60,000, aba’y malaking bilang ng mga kakompitensiya ng taxi at iba pang TNVS gaya ng Grab ang nawala sa lansangan.

Sabi nga ni MMDA Chairman Danilo Lim, lumuwag daw nang bahagya ang EDSA at bumilis ng hanggang limang minuto ang biyahe sa Metro Manila nang masuspindi ang Uber. Hindi naman daw kaila na ang isa sa malaking dahilan ng mabigat na daloy ng ­trapiko ay sobrang dami ng sasakyan.

Kaya lang, marami ang napaisip, chairman, kung saang­ lugar bumilis ang daloy ng trapiko kasi may mga nagsasabing wala namang nagbago. Katunayan, sabi ng ating kurimaw, lalo pang naging trapik sa Mindanao Ave­nue sa Quezon City nitong nakaraang mga araw — ang dahilan, sangkatutak na trak. At ang ibang trak maging mga bus, hindi na sumusunod sa truck lane at bus lane.

Baka kailangan na ring i-regulate, bawasan o higpitan ang biyahe ng mga dambuhalang trak. Kung may mag-oobserba lang sa mga trak na ito [lalo na sa gabi], makikita na marami sa kanila ang dapat nang “bakalin” at “ipor-kilo” dahil peligroso na sa kalye.

Balik tayo sa taxi at TNVS, matapos sabihin ni MMDA chairman na bahagyang lumuwag ang kalye dahil nawala ang Uber, bigla namang humirit ang chairman ng ­LTFRB na si Martin Delgra na dapat dagdagan ang mga taxi sa kalye para matugunan ang kakulangan ng masasakyan. Ha? Eh kung ganu’n din lang naman pala ang katwiran, bakit hindi na lang hayaang bumiyahe uli ang Uber?

Sabi ng LTFRB, papayagan na bumiyahe uli ang Uber kapag nagbayad ng multang P190 milyon. Aba’y over-over ito sa mungkahi ng Uber na handa silang magbayad ng multang P10 milyon. Sabi ng LTFRB, sa National Treasury daw mapupunta ang ibabayad na multa ng Uber. Ang malamang na tanong ng mga dudera — talaga lang ha? At pinagbiyahe na rin matapos magbayad ng P190 milyon.

But wait there’s more! May mungkahi pa ang ­LTFRB na payagan na itaas ang singil sa pasahe sa mga taxi dahil nagtataas din naman daw ng singil ang Uber at Grab kapag mataas ang demand o maraming pasahero. Pero bakit nga ba marami ngayon ang mas gustong sumakay sa mga TNVS kaysa taxi?

Isang dahilan dito ang seguridad. Mas nakararamdam ng security at safety ang mga pasahero sa TNVS dahil nakarekord sa computer ang transaksyon ng driver­ at pasahero. Sa taxi, bukod sa madaling magpalit ng marka sa taxi at plaka, aba’y may mga kawatan na nagtatago sa compartment at may gumagamit pa ng pampatulog. Lina­win lang natin, ilan lang ang mga ‘yan pero nada­damay ang mas maraming matinong taxi driver.

Bukod diyan, mas malinis, mabango at malamig sa mga TNVS kahit medyo mas mahal ang singil. Sila­ mismo ang pupunta sa pasahero, at hindi ang pasahero ang papara tulad sa taxi. Sa taxi, marami pang pakiusapan at tatanggi dahil kesyo malayo o matrapik sa pupuntahan. O kung isinakay man ang pasahero, big­lang ibababa ang sakay kapag ayaw na nilang tumuloy sa destinasyon o biglang hihirit ng dagdag sa pasahe.

In short, hindi lang isyu ng pasahe ang nakadikit sa problema sa mga taxi. Kasama riyan ang imahe ng mga driver at kanilang sasakyan o unit. Hangga’t may mga kumag na taxi driver at mainit ang kanilang taxi at ­amoy yosi o pawis, patuloy na maghahanap ng ­alternatibong masasakyan ang mga tao at hindi ito dapat ipagkait ng LTFRB. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)