Tablado sa isang kongresista ang tax amnesty na isinusulong ng gobyerno dahil hindi umano titino ang mga delingkuwenteng payers kaya pinatawad ang mga ito sa kanilang paglabag sa batas.
Ginawa ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang nasabing pahayag dahil sa panawagan umano sa Kongreso na magpasa ng bagong amnesty law na walang ibang makikinabang aniya kundi ang mga malalaking korporasyon at individual tax payers na hindi nagbabayad ng buwis.
“Strong enforcement is the best strategy to ensure full compliance with our tax laws, and the grant of amnesties every now and then is totally inconsistent with tough application,” ani Pimentel kaya hindi umano dapat gumawa ng panibagong batas ang Kongreso para patawarin ang mga delingkuwenteng taxpayers.
Sa ilalim ng tax amnesty, papayagan ang mga tax payers na bayaran ang kanilang mga utang na buwis sa gobyerno kapalit ng pagpapatawad sa mga ito sa mga kaso.
Ayon sa mambabatas, lugi rito ang mga ordinaryong tax payers na awtomatikong kinakaltasan ng buwis dahil bukod sa libre na sa kaso ang mga delingkuwenteng taxpayers na patatawarin ay hindi na rin sisingilin ang mga ito ng mas malaking tax liabilities tulad ng interes at penalties.
“There should be no mixed signals from government. We cannot tell everybody to dutifully pay their taxes on one hand, and tell them don’t bother to pay your taxes now because we’ll absolve you later, on the other hand,” ayon pa sa kongresista.
Noong Agosto ng nakaraang taon, nag-warning na aniya si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga tax evaders na sila na ang isusunod sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga.
Nais ni Pimentel na totohanin na ito ng Pangulo dahil hindi lang ang gobyerno ang dinadaya ng mga tax evaders kundi ang kinabukasan ng bansa na umaasa sa buwis para mabuhay.
“An amnesty would certainly not benefit the millions of salaried employees whose income taxes are already being automatically withheld from their monthly paychecks,” ayon pa sa mambabatas.