Taxpayers ninakawan ng P86B ng DPWH – Ping

Binusisi ni Senador Panfilo Lacson ang ‘bloated’ o masyadong malaking budget para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) partikular para sa right of way.

Ibinunyag ni Lacson na nakasaad sa panukalang budget para sa DPWH, P86 billion ang nakalaan para sa road projects kasama na ang pagbabayad sa right of way habang mayroon pang hiwalay na P51 billion para lamang sa right of way.

“Yes, clearly the pattern shows that the bloated budget for right of way is the biggest source of insertions and realignments being made by legislators.

It is also one obvious culprit of the massive underspending committed by the department,” saad ni Lacson.

Ipinaliwanag ni Lacson na batay na rin sa pahayag ni Senador Cynthia Villar hindi dapat pinagsasabay ang pagpopondo sa right of way at sa mismong konstruksyon ng mga kalsada.

Dahil dito, sinabi ni Lacson na nais niyang tanggalin ang P86 billion para sa road projects na kinapapalooban din ng right of way.

Kinuwestyon din ni Lacson ang sinasabing overpricing ng DPWH sa national road sa Daang Maharlika sa Barangay Putlan, Carranglan, Nueva Ecija na may habang 100 metro.

Ang proyekto ay pinaglaanan ng tig-P300 mil­yon noong 2016 at 2017 subalit para sa susunod na taon ay mayroon pa ring itong kaparehong pondo.