Tayo na sa Dinamulag Festival!

For the record by Jeany Lacorte

Miss niyo na ba ang matamis na mangga?

Sugod na sa lalawigan ng Zambales kung saan matatagpuan ang pinakama­tamis na mangga sa buong mundo.
Korek sa buong mundo, hindi lang sa Pilipinas!

Timing mga kapatid dahil ginaganap ngayon ang Dinamulag Festival sa bayan ng Iba, ang kabisera ng Zambales, kaya sugod at tayo nang mamiyesta.

Hindi lang matamis at masarap na mangga ang inyong matatagpuan sa Zambales dahil napakarami ding magagandang resort sa lalawigan na maaaring pagbakasyunan ngayong summer season.

Mabalik tayo sa Dinamulag Festival, ito raw ay inilulunsad taon-taon bilang pasasalamat ng lalawigan sa lahat ng biyayang tinanggap mula sa Panginoon, partikular ang masaganang ani ng pinakamatamis na mangga.

Magsisimula nga­yong araw ang pi­nakamakulay na pag­diriwang ng isang linggong Dinamulag Festival, at may nakalinyang mga bonggang aktibidad.

Kabilang ang 2nd Zambales Motor Endurance Challenge, Parayawan Agri-Tourism showcase at trade fair, marching band exhibition, ang Todo Todo Decor My Tricycle motorcade, at ang Bb. Zambales and Mr. Millennial competition.

Hindi rin siyempre mawawala ang inaabangang Zambayle Street Dancing at Acoustic Night, ang Laro ng Lahi kasama ang katutubong Ayta Zambaleno, Invitational Beach Volleyball at float parade competition.

Ang isang linggong kapistahan ayon kay Provincial Admi­nistrator at Festival Committee Chair Atty. Izelle Deloso ay naisakatuparan sa tulong at suporta ni Zambales Governor Amor Deloso, Vice-Governor Angel Magsaysay, kasama ang Sangguniang Panlalawigan at sa suporta ng mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Hindi siyempre mawawala ang suporta sa festival ni Zambales 2nd district Rep. Cheryl Deloso-Montalla at kitang-kita ito sa paggamit ng kongresista sa festival frame sa kanyang official social media account.