Ang Baler ay ang kabiserang bayan ng Probinsiya ng Aurora, dito kadalasan na nagpupunta ang mga surfers dahil na rin sa mga killer waves doon na tinaguriang back coastal town sa Norte kung saan ay mara­ming mga surf shop na matatagpuan sa Sabang Beach para sa mga surfers.

Bukod sa magandang surf spots ay marami ring mga land based attractions na malapit sa lugar, kung saan ay napapalibutan ito ng maraming historical at cultural sites at mga natural attractions.

MAGANDANG PUNTAHAN AT GAWIN

Since madalian ang pagpunta namin doon, at medyo pa-tumbling tumbling ang pagba-budget plus kailangan bumalik agad at may trabaho pa ay hindi man namin nalibot ang lahat ng magandang punta­han sa lugar ay solid na solid naman ang panandaliang kasiyahan na naibigay sa amin ng Baler, ito ang ilang mga aktibidades na nagawa namin.

MAG-SURF SA SABANG BEACH

Ang Sabang Beach ay magandang lugar para sa mga gustong matutong mag-SURF, maraming mga surf shops sa kahabaan ng beach katulad ng Charlie Does Surf at Michael’s Surf Shop kung saan ay pwede ka ring umarkila ng mga surfing instructors at makapagrenta ng mga surf boards.

Maganda ang alon sa lugar sa mga panahon na kung tawagin ay peak surfing mula buwan ng Setyembre hanggang buwan ng Pebrero, mga tinatawag namang baby waves ang mai-enjoy sa mga natitirang buwan sa isang taon.

Ang surfing lessons kasama na ang instructor ay nagkakahalaga ng P350 hanggang P400 kada oras, kung hindi mo naman kailangan ng mga instructor at wala kang dalang surf boards ay may mga surf boards na maaarkila sa lugar na nagkakahalagang P200 kada isang oras.

Nasa P400 din ang arkila nito sa kalahating araw at P800 hanggang P1000 naman ang sa buong araw, kung gusto mo naman ng mas malalaking alon ay kinakailangan mong mag-arkila ng mga motorboat para magtungo sa mga may malalakas na alon na surfing spot sa lugar.

TUMAWID NG HANGING BRIDGE

Ang Tibag-Sabang hanging bridge ay gawa sa bakal na wire, kahoy at mga railings na gawa sa kawayan, bagama’t nakakatakot sa iba ang pagtulay dito ay ligtas naman ito,  tumatalon-talon pa nga ako nang tumawid ako doon.

MAG-HIKE AT LUMANGOY SA DITUMABO FALLS

Ang Ditumabo Falls ay nasa San Luis katabing bayan lamang ng Baler, mataas na parte ito ng lugar na masarap akyatin para makarating sa Mother Falls, kilala ito bilang Ditumabo Waterfalls, mga mabato at maputik na daanan ang inyong babaybayin at ilang mga maliliit na ilog din ang tatawirin papunta doon, pero pagdating naman sa falls ay mala-paraiso naman ito kaya sulit na sulit.

UMAKYAT NG MILLENNIUM TREE

Ang Millennium Tree sa bayan ng Maria Aurora ay isang mala­king puno ng Balete na may taas na limang palapag, nasa 600 taong gulang na ito at pinaka malaking puno ng kanyang uri sa buong Asya.

Sa paglipas ng mga taon ay luma­laki rin ang mga ugat nito, na sa totoo lang ay creepy lalo na at puno ito ng Balete. Sa kabila ng malala­king mga ugat at sanga nito ay madali naman itong paikut-ikutan, syempre yung mga taga-doon na talaga ay ginagawang sisiw nalang ang palibot nito.

CHIBOG

Sa dami ng mga lugar sa Baler ay mawawala ba naman ang mga makakainan doon, isa sa mga kilala sa lugar doon ay ang Baler’s Surfer’s Grill na matatagpuan sa kahabaan ng Sabang Beach.

Patok din ang Costa Pacifica sa mga inaalok nilang mga pagkain, ang nakakapang-laway talaga ay ang kanilang Longganisa at Grilled Seafood with veggies.

Sa mga kapos naman sa budget ay maraming Rolling Stores sa lugar, ito ay mga maliliit na mga karinderya malapit sa mga museum at mga plaza, nag-aalok sila dito ng mga mura lang at abot kayang mga silog katulad ng tapsilog at iba pa gayundin ang mga ulam na makakain rin naman sa mga karaniwang karinderya sa Kamaynilaan.

The Best ang Halo-Halo ng Gillian’s Snackhouse na malapit rin sa mga rolling stores, malupit din ang Suman de Baler sa Ba­ler ahahaha, matamis na ito kaya’t hindi na kinakailangan pa ng sawsawang asukal.

Eh kung trip mo namang mag-iinom ng konting alak, marami ring mga bar sa lugar katulad ng Rushie’s Point, Craftpoint, Tropic Haze at Midnight Blur sa Nipa Brew, may mga banda rin dito kadalasan na makakadagdag sa relaxation mo, may mga masasarap ding mga cakes sa lugar na inaalok.

 SO, ANO PA HINIHINTAY NIYO, TARA NA SA BALER, MAGSAYA, MAGRELAX AT MAG-SURF!!!