Team CDM, mga NSA sa 5th SEAG meeting

Pupulungin ng Chef de Mission (CDM) Team na pinapangunahan ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez sa ikalimang pagkakataon ang mga competition manager, president at secretary general ng bawat national sports association bukas, Biyernes sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Sisimulan ang pagtitipon sa alas-10:00 nang umaga at pangunahing tatalakayin ang mahahalagang bagay sa paghahanda sa pagtataguyod sa pang-apat na pagkakataon ng bansa sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa darating na Nobyembre 30-Disyembre 11.

Dadaluhan din ang sesyon ni Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) operation director Tomas Carrasco, Jr.

Naitakda ang bagay mula sa regular CDM team meeting nitong Miyerkoles kung saan natalakay ang ticketing, venues, protocol matters, billeting, transportation at Torch Run ng 11-nation, 12-day biennial sportsfest.

Tiniyak ni Ramirez, na siya ring Chef de Mission ng Team Pilipinas, na kung magkaproblema’y nasa gitna lang ang PSC upang masiguradong maayos ang lahat lalo’t halos dalawang buwan lang ay SEA Games na.

“If there are any lapses, the PSC will come in to fill in the gaps. We have no more time. We have just a bit over two months before the Games,” giit niya.

Pinanapos ni Ramirez na walang ibang inaasam si Pangulong Rodrigo Duterte kundi ang magarang pagsasagawa ng bansa ng SEAG na obligasyon ng pamahalaan para sa mga Pinoy.