Dalawang krusyal na opensiba ang kinana ni second baseman Mary Nichole Padasas, at naungusan ng Team Manila-Philippines ang Redlands South California 4-3 at inupuan ng Filipinas ang top seeding sa quarterfinals ng PONY International 18-U Girls Softball World Series sa Diamond Valley Park-Valley Wide Recreation District sa Hemet, California kahapon (oras sa Manila).
Naiiwan ang Team Manila, nagpalipad ng homerun ang 18-anyos na si Padasas sa top of third para ibuhol ang iskor sa 2-2.
Sumagot ng isa ring homerun ang Redlands sa bottom fifth para umangat ng isa, pero muli ay tumabla sa 3-3 ang Manila batters sa sumunod na inning mula kay center fielder Christine Bautista sa tulong nina designated player Shaina Camaho at left fielder Khrisha Cantor.
Katunayan, galing din sa pambato ng Adamson na si Padasas ang pambasag na 1-0 lead sa bukana ng first nang umiskor mula sa RBI ni Camacho.
Sa top of seventh, muling kumonekta ng RBI si Padasas para paratingin sa home base si Angelu Gabriel para kumpletuhin ang winning run ng Filipinas. Pagkatapos nito ay naging matatag ang Big City pitchers sa tatlong defensive stops para siguruhin ang panalo.
“Inaasahan namin sana si Mery (Ramos) na bumato ng maganda para makapahinga si Alma (Tauli),” lahad ni coach Anna Santiago. “Pero malalim naman ang bench at madaming talento kaya umaasa kami na magde-deliver ang ibang players natin sa susunod na laro.”
Posibleng makatagpo muli ng Team Manila ang Redlands kung dinaig ng huli ang Coachella Valley Chaos sa paluan kagabi.
“It doesn’t matter now which team we would face in the quarterfinals, but whichever, our girls will surely give them a good fight,” wika ni Manila Softball League president Che Borromeo.
Ipinahinga si Tauli para sa quarters, pinag-start para sa Filipinas si Ramos pero nalusutan ng two runs at walk kaya nakaungos ang Americans 2-1 sa bottom third.
Isinalpak ni Santiago si Tauli na matikas na nagkamada ng four strike outs at nakapagbigay lang ng isang run sa loob ng six innings tungo sa 2-0 card ng Filipinas.