MAHIRAP, pero may tsansa ang Pilipinas na makalaro sa susunod na Olympics, depende sa kinalabasan ng draw sa 2019 FIBA World Cup kagabi sa Shenzhen Bay Arena.

Paano?

Ang top finisher ng limang bansa mula Asia, maliban sa Japan, sa World Cup sa Aug. 31-Sept. 15 ay magkakaroon ng automatic ticket sa 2020 Tokyo Olympics.

Walong bansa ang kakatawan sa Asia/Oceania sa 32-nation World Cup. Maliban sa host China, ang seven qualifiers ay ang Australia, New Zealand, Korea, Iran, Japan, Jordan at Pilipinas.

Sa qualifying para sa Olympics, maka-classify sa Oceania ang Australia at New Zealand kaya maiiwan ang Korea, Iran, Jordan, China at Pilipinas para pag-agawan ang Asian ticket sa Olympics. Bilang host sa 2020, sigurado na ang slot ng Japan.

Ang top Asian finisher sa World Cup ay may outright berth sa Tokyo Games.

Gayundin ang top African finisher, top two Americas finishers, top two European finishers at top Oceania finisher.
Base sa seeding process, makakasama ng Pilipinas sa group stage ang tatlo sa 11 bansang kabibilangan ng Serbia, Argentina, Lithuania, Greece, Russia, Brazil, Italy, Nigeria, Senegal, New Zealand at Angola.