May dagdag na pamilyar na kakompetisyon na ang Pilipinas sa basketball sa susunod na edisyon ng Asian Games – ang Australia.

Kinumpirma ng Olympic Council of Asia pagkatapos ng general assembly nitong Lunes na papayagan na ang mga atleta mula Oceania na sumali sa ilang team games sa 2022 Asian Games sa Hangzhou, China.

Kabilang sa Oceania ang Australia, New Zealand at ang mga maliliit na island states sa Pacific Ocean tulad ng Polynesia at Micronesia.

Ang Oceania National Olympic Committees ay kumakatawan sa 17 bansa.

Hindi lahat ng sporting events sa Asiad ay puwedeng salihan ng mga mula Oceania.

Ayon kay Australian Olympic Committee president John Coates, ang imbitasyon sa Oceania athletes ay limitado sa sports na magku-qualify sa 2024 Olympics kabilang ang volleyball, beach volleyball, soccer, fen­cing at basketball.

“There’s a cap of 10,000 athletes for these games so there will need to be some decisions made along the way about which Australian men’s and women’s team will compete, but the critical thing is our place is confirmed for Hangzhou 2022 and that’s a very positive outcome for us,” pahayag ni Coates.

Huling ginanap ang 18th edition ng quadrennial event sa Indonesia noong nakaraang taon.

Giniyahan ni Jordan Clarkson ang Team Pilipinas sa fifth-place finish sa Jakarta noong 2018. Si coach Yeng Guiao ang humawak sa koponan.

Nangangahulugan na magpapatuloy ang masamang tinapay o maigting na karibalan para sa mga Pinoy at sa Down Under.
Ang mga Pinoy at Australian ang nag-basketball riot sa FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Philippine Arena sa Bulacan noong July.