Technical smuggling ng bakal

Sinisipat ngayon ng Presidential Anti-Corruption Commission ang diumano’y large scale technical smuggling ng bakal sa nakalipas na sampung taon. Sa nakalap na dokumento ng PACC, noong 2018 lamang ay 9.1 milyong tonelada ng bakal ang inimport.

Tantiya ng PACC, higit sa kalahating trilyong piso ang nalugi sa gobyerno dahil sa misdeclaration ng imported steel. Ginagawa ito sa pamamagitan umano nang manipulasyon sa HS codes, ang universal code para sa export at import ng kalakal.

Ang ginagawa raw ng mga steelmaker, pinapalabas nilang Grade 60 ang mga inaangkat na cast at prime steel billet na ginagamit sa paggawa ng bakal. Pero ang katotohanan, magkahalong Grade 40 (5sp) at Grade 33(3sp) ang kanilang inorder. Ang Grade 60 ang ginagamit sa mga matataas na gusali at sa mga infrastructure project ng gobyerno.

Suspetsa ng PACC, may kasabwat ang malalaking importer ng bakal sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa mismong Bureau of Customs (BOC). Ayon kay dating Senador Nikki Coseteng, inabisuhan siya ni PACC chairman Dante Jimenez hinggil sa isinasagawang imbestigasyon sa technical smuggling ng bakal.

Mas malaking halaga umano ang nalulugi sa gobyerno kumpara sa ginawang pandaraya sa buwis ng Mighty Corp. Umabot sa halos P40 bilyon ang binayad ng Mighty Corp sa Bureau of Internal Revenue (BIR) bilang compromise deal upang hindi umusad ang kasong sinampa sa Department of Justice.

Mabubulaga na lang tayo isang araw na may isasampang tax evasion case ang PACC laban sa ilang opisyal ng DTI, BOC at sa mismong mga importer ng bakal. Tandaan ninyo, ayaw ni Pangulong Duterte na may nangungurakot na opisyal ng gobyerno.

***

Isa pa sa nakakasuklam na kurakutan ay sa loob ng Bureau of Corrections (BuCor) kung saan pati na ang mga preso ay pinagkakaperahan ng mga opisyal. Mabuti na lamang at inimbestigahan ito ng Senado kaya lumabas lahat ng baho ng mga opisyal.

Lahat ng transaksyon sa New Bilibid Prison, may katumbas umanong pera kaya tiba-tiba ang mga opisyal. Lahat ng bawal, puwede basta’t may katapat na bayad. Tapos sasabihin ni dating BuCor chief Nicanor Faeldon na hindi niya alam ang mga kurakutan sa bilibid. Tell it to the marines!