Click ang tambalan nina Teddy Corpuz ng Rocksteddy at Jugs Jugueta ng Itchyworms sa “It’s Showtime” dahil nagku-compliment ang kanilang mga personalidad.
Kumpara sa mga kasama nila, naipakita nila na may ibubuga silang talento lalo sa ‘Magpasikat’ portion ng nasabing noontime show.
Katunayan, may mga nagwi-wish din na mapanood ang comic duo sa teleserye, pelikula o kahit maging front act sa isang concert at kung meron man launching vehicle para sa kanila, bagay silang i-build up as Fat and Thin.
Gayunpaman, gustuhin man ni Teddy na makatrabaho sa isang proyekto si Jugs lalo na sa pelikula ay imposible raw mangyari ito.
“Ibubuking ko na si Jugs. Si Jugs, mahina ang patience niya sa pelikula, sitcoms, iyong mahabang hintayan na tengga. Sinabi rin niya sa akin ito. May usapan kasi kami sa ‘It’s Showtime’ na internal na hindi puwedeng magsabay kami ni Jugs,” aniya.
“Hindi kami puwedeng magsabay ni Jugs na um-absent kahit tandem kami. Kung may gig ako, kailangang nandoon si Jugs. Kung absent ako, dapat nandoon siya. Kung absent si Jugs, dapat naroon ako. Minsan lang kasi pinayagan ng Showtime na magsabay na um-absent pero on a case to case basis. So, I would be impossible to make this film na kasama si Jugs,” dugtong niya.
Sey pa ni Teddy, kahit hindi siya kasama sa kanyang launching movie na “Papa Pogi,” masaya naman daw ito para sa kanya.
Feel din niya na kahit wala ang presence ni Jugs sa unang sabak niya sa pagbibida, naroon naman daw si Nonong Balinan na parang lumalabas na sidekick na rin niya.
Si Teddy ay inilulunsad bilang bagong leading man sa romantic comedy na “Papa Pogi” ng Regal Entertainment sa first directorial effort ni Alex Calleja na mapapanood na simula sa Marso 20.
Katambal niya rito sina Myrtle Sarrosa at Donna Cariaga bilang leading ladies.