Teenager nabitin sa rape, nanaksak

Isang 14-anyos na binatilyo ang dinakma ng pulisya nang tangkain nitong halayin ang babaeng kapitbahay nito sa Real, Quezon noong Huwebes ng madaling-araw.

Sa pahayag sa mga imbestigador ng 24-anyos na biktimang si Jenny, natutulog siya sa kanyang bahay sa Barangay Tignoan nang pasukin siya ng suspek dakong alas-2:00 ng madaling araw.

Nagising umano siya nang maramdamang pinaghihipuan ng suspek sa maselang bahagi ng kanyang katawan.

Pinagmumura nito ang teenager subalit nagbunot ito ng patalim at pinagsasaksak ang biktima bago mabilis na tumakas.

Nagtamo ang biktima ng mga tama ng saksak sa kamay at ulo at mabilis na isinugod sa ospital.

Naaresto naman ng mga barangay tanod ang binatilyo at dinala sa himpilan ng pulisya.

Nakatakda itong itun-over sa DSWD dahil sa pagiging menor de edad nito. (Ronilo Dagos)