Teenager nakuryente sa Luneta, todas

Apat na araw pang nakipaglaban kay kamatayan ang isang binatilyo bago tuluyang binawian ng buhay sa Philippine General Hospital (PGH) kamakalawa ng gabi sa Malate, Maynila.

Kasabay nito, humihingi naman ng tulong sa mga kinauukulan ang mga kaanak ng biktimang si Rene Boy dela Cruz, helper at taga-254 CM Recto St. Binondo, Maynila.

Ayon kay Manila Police District-Public Information Office chief Police Lt. Col. Carlo Magno Manuel, aalamin nila kung may dapat panagutan ang National Parks Development Committee (NPDC) dahil sakop nila ang nabanggit na poste.

Sa sandaling mapatunayan na nagkaroon ng kapabayaan, sasampahan ng kaso ang mga namamahala dito.

Nabatid na nakunan sa video ang pagkakuryente sa binatilyo nang tangkain nitong umakyat sa barrier at humawak sa post lamp noong Disyembre 7.

Ayon sa ulat nahawakan ng bata ang live wire na hindi nabalutan ng electric tape nang maglagay ng dekorasyon sa poste.

Nalaman na nang makabitaw ang bata sa poste ay bumagsak ito sa sementadong kalsada kung saan nagkaroon ng fracture ang bungo nito.

Humihingi naman ng tulong ang mga magulang ng bata dahil hindi pa umano mailabas ang bangkay ng bata sa pagamutan dahil sa kawalan ng pera. (Juliet de Loza-Cudia)