Habang nakatutok ang buong bansa sa Martial law sa Mindanao, habang nakatutok ang buong bansa sa pangamba ng marami na posibleng sa buong bansa magkaroon ng Martial law, huwag sana nating kalimutan ang iba pang problema ng ating bansa.

Naririyan pa rin kasi ang nakakapesteng trapik sa 24 oras na nangyayari hindi tulad dati na nagkakatrapik lang sa rush hour o oras ng pasukan sa trabaho at uwian mula sa trabaho at iba pang aktibidad.

Baka hindi rin napapansin ng mga lider natin na tag-ulan kaya may mga nagtatanong pero hindi napapansin dahil sa mga problemang kinakaharap ngayon ng bansa… handa ba ang Metro Manila sa tag-ulan?

Tandaan natin na nitong mga nakaraang mga panahon halos walang pagbabagong ginagawa sa Metro Manila para maibsan ang problema sa pagbaha dahil ang mga tao wala pa ring disiplina.

Kung tingnan mo ang mga creek, ang mga ilog sa Metro Manila, punung-puno pa rin ng basura kahit anong linis na gawin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

‘Yung mga imburnal, puno pa rin ng mga burak dahil hindi naman naglilinis ang mga barangay officials sa kanilang nasasakupan ng madalas dahil karamihan sa kanila, ang iniisip trabaho ‘yan ng national government.

Kaya huwag na ka­yong magtaka kung muli na naman nating maranasan ang matitinding pagbaha ngayong pumasok na ang panahon ng tag-ulan sa buong Metro Manila.

Muli na naman tayong magtitiis sa baha kaya ihanda niyo na ang sarili niyo dahil saka lang naaalala ng karamihan sa ating mga lider ang problema kapag nandyan na at nararanasan na natin.

‘Yung mga tao na nakasakay sa mga pampublikong sasakyan, wala pa ring pakundangan kung magtapon ng basura mula sa kanilang pinagkainan habang nasa loob ng sasakyan.

Hindi napapansin ‘yun ng mga lider natin… hindi ko alam kung kasama ‘yun sa karapatang pantao na magtapon ng basura kahit saan… pero nagdudulot ‘yun ng matinding problema sa mga kanal, ilog at creek.

Tanging ang mga jaywalkers ang dinisiplina lang ng mga awtoridad pero ang mga nagtatapon ng basura kahit saan-saan eh hindi pinapansin lalo na kung maraming problema ang nasa harap natin.

Ang mga basurero, hindi naman lahat ng basura ay kanilang hinahakot dahil mas inuuna nilang hakutin ang mga basurang puwede nilang pagkakitaan pero walang pumapansin sa kanila.

Hindi ba kayo nagtataka kung makakita kayo ng trak ng basura na maraming nakasabit sa gilid ng kanilang sasakyan? Mga kalakal ‘yun na ibebenta nila kaya madalas, nakakaligtaan nilang hakutin ang lahat ng basura.

Kung ganito ng ganito ang nangyayari sa ating bayan, lalo na sa Metro Manila, huwag na tayong magtaka na lalala ang problema dahil karaniwang hinaha­yaan ang maliliit na bagay pero hindi niyo alam, ang mga maliliit na bagay na ito ang nagpapalaki ng problema. (dpa_btaguinod@yahoo.com)