NAGKATARANTAHAN pala sa taping ng Celebrity Bluff kamakalawa dahil hindi sila sinipot ni Super Tekla.

Ayon sa kuwentong ipinarating sa amin, dapat ay 11:00 AM ang calltime ng dating Wowowin co-host, pero nakiusap ang handler nito na kung puwede i-move siya nang 1:00 PM.

Pumayag naman ang EP nito, pero lumagpas na ang ala-una, at umabot na sila ng 3:00 PM, wala pa ring Super Tekla na umapir.

Kaya ginawan na lang nila ng paraan dahil nakakahiya sa ibang guests.

Hindi na raw kasi ma-contact si Super Tekla at wala man lang pasabi kung darating pa ba siya o hindi na.

Regular doon si Boobay, kaya siya na lang muna ang pumalit sa lugar ni Super Tekla.

Riot pa naman ang episode ng Celebrity Bluff kapag kasali roon si Super Tekla.

Ang dinig namin gusto na siyang i-regular, kaya hindi na alam kung pababalikin pa siya.

Nakausap namin ang handler ni Super Tekla kahapon at sinabi niya sa aming hiyang-hiya siya sa mga taga-Celebrity Bluff dahil hindi niya maipaliwa­nag kung bakit hindi ito sumipot sa taping.

Kinulit namin si handler kung ano talaga ang dahilan, ayaw niyang sabihin sa amin ang buong kuwento.

Basta, hindi raw ‘yung pagbalik ni Super Tekla sa dating bisyo ang dahilan.

Hindi raw totoo ‘yun. Lovelife daw ang dahilan, pero ayaw na niyang idetalye pa.

Sa patuloy na pangungulit namin, lumabas na may kinalolokohang babae raw si Super Tekla kaya hindi makapagtrabaho nang maayos.

Kinukuha rin daw sana itong mag-guest sa Road Trip, pero hindi raw sumasagot sa tawag.

Kaya baka nalolokah sa pag-ibig ang hitad!

“Hindi naman kasi bading ito eh,” pakli ng kanyang handler.

“Buti nga mga bading, nakakapagtrabaho pa rin kahit may problema sa lovelife. Pero ito, kapag babae na, iba na siya, eh,” sabi pa niya sa amin.

Sana, mabigyan pa raw ng chance si Super Tekla sa Celebrity Bluff dahil gusto raw niya itong gawin.

Sana, huwag daw niya itong ikasira sa GMA 7 na nagbibigay ng break sa magaling na komedyante.