Noong 2010 election, ipinangako ni dating Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang modernisasyon sa pangangasiwa ng lupa — ito’y naganap sa loob ng 6-taon at naipatupad bago bumaba sa pwesto.
Ang modernisasyon at reporma sa pangangasiwa ng lupa ang isa sa pinatutukan ni PNoy kay dating Land Registration Authority (LRA) Administrator Eulalio Diaz, sa pakikipag-tulungan ng tanggapan ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Virgilio Delos Reyes.
Maliban sa DAR at LRA, malaki ang naging papel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dahil nabigyan ng proteksyon ang mga nag-implementa ng programa at nasukat ang estado ng lupa.
Sa pamamagitan ng computerized land titling project ng LRA, nakatipid ang bawat Pilipino, maging tauhan ng gobyerno dahil hindi kailangan pang bumiyahe ng malayo para maayos ang titulo ng lupa.
Nagkaroon ng “back up system” sa mga titulo ng lupa sakaling magkaroon ng trahedya, katulad ng sunog at baha. Kahit meron bagyo o anumang kalamidad, makakahinga ang bawat Pilipino sakaling mawala o mabasa ang pinanghahawakang titulo ng lupa dahil sa sistemang ito.
Isang halimbawa ang bagyong Yolanda — dahil sa computerized back up system ng LRA, naihanda ng gobyerno ang mga titulo ng lupa kahit pa binura ng naturang trahedya ang mga dokumento sa Register of Deeds ng Palo, Leyte. Take note: Kahit magkapatid o mag-asawa pinag-aawayan ang lupa kaya’t napakahalaga ang titulo sa bawat isa.
Ang mabilis na transaksyon ng mga dokumento sa LRA, sa loob ng 24-oras ang naging susi para pabilisin din ang pamamahagi sa lupa ng DAR at isa sa malaking rason kung bakit lumago ang industriya ng real estate sa bansa.
Mula Enero hanggang Setyembre 2015, humigit-kumulang 500 libong land titles ang nailabas ng LRA, hindi pa kabilang 3 milyong registered deeds — malinaw ang nangyaring reporma sa nagdaang 6-taon.
***
Napag-usapan reporma at teknolohiya, napahusay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang social media upang ipaabot sa mga Pilipino ang sapat na kaalaman sa trapiko at gawing ligtas ang transportasyon.
Bagama’t maraming pagkuwestyon sa liderato ni ex-MMDA chairman Francis Tolentino, hindi maitatangging nagkaroon ng reporma sa kanyang opisina at napabilis ang pagtugon sa mga biktima ng kalamidad; naging maagap sa pagtulong sa mga apektadong lugar, patunay ang pananalasa ng bagyong Yolanda.
Sa panahon ni Tolentino, nagkaroon ng MMDA twitter service; Metro Manila Traffic Navigator app; MMDA Bike Sharing Program; MMDA Traffic Signal System; Command Control Center “MetroBase”; at No Contact Traffic Apprehension Policy.
Ang problema sa trapiko – ito’y hindi dapat isisi lang sa gobyerno o sa nakaupong chairman ng MMDA at Pangulo kundi sa lahat ng motorista na walang disiplina, maging sa mga komunidad na ginawang parking lot at play ground ang harapan ng bahay.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)