“SANA!” ang nakangi­ting sagot sa amin ni Ms. Gigi Santiago-Lara, tumatayong manager ni Alden Richards sa GMA Artist Center, nang tanungin namin kung totoong malapit nang gumawa ulit ng primetime teleserye si Alden sa Kapuso network.

Sa pa-thanksgiving get together ng Pambansang Bae para sa entertainment press ay natanong din si Alden tungkol dito at ang sagot niya ay may plano na ang creative team at management nila ni Maine Mendoza tungkol sa bagay na ‘yon.

Hindi pa madetalye ni Tisoy pero sabi niya, it will be a surprise. Hopefully, before the year ends ay meron nang balita dito dahil in the works na ang posibleng teleserye na pagtatambalan nila ni Maine.

Makakahinga na nang maluwag ang AlDub Nation dahil mukhang na-scrap na ‘yung idea na pagtatambalin ng GMA sina Alden at Jennylyn Mercado sa Pinoy adaptation ng hit Koreanovela na My Love from the Star.

Nang umugong ang balitang ‘yon ay bayolente agad ang reaksyon ng Alden-Maine fans at tutol silang lahat na ipareha sa iba ang hottest Kapuso heartthrob.

Naikuwento rin ni Tisoy na nagpunta sila ni Meng sa Spiral resto sa Sofitel after nu’ng July 16 anniversary celebration ng AlDub loveteam sa Eat Bulaga.

Nag-Spiral na rin sila dati. ‘Pag lumalabas sila ay doon la­ging dinadala ni Alden si Maine dahil ‘yun ang safe zone nilang da­lawa.

Tungkol sa box-office gross ng hit movie nilang Imagine You & Me, hindi raw alam ni Alden kung magkano na ang kinita ng pelikula at ‘yung producers na lang nila ang tanungin.

***

Sa kasikatan na tinatamasa ni Alden, hindi maiiwasan na meron pa rin si­yang bashers at ha­ters kahit mas ma­rami ang nagmamahal at sumusuporta sa kanya.

Nasanay na siya sa mga ganu’n dahil meron at merong masasabi ang mga tao.

Nu’ng una ay hirap siyang lunukin ang kung anu-anong mga sinasabi sa kanya ng bashers sa social media, pero hindi raw niya kawalan kung anuman ang mga sinasabi ng mga ito against him.

Katwiran niya, at the end of the day ay siya pa rin ‘yon. At ang mga taong mahal niya at mahal siya ang tunay na nakakakilala sa pagkatao niya.

Nu’ng isang araw lang ay bash pa more ang fans sa pagpunta ni Alden sa evening birthday ni Tita Cristy Fermin.

Ikinareak ito lalo na ng supporters ni Maine dahil madalas itong tirahin ni Tita Cristy sa mga kolum nito.

Paliwanag ng Kapuso actor, wala siyang ulterior motive kung bakit siya pumunta roon.
Around the area kasi si Tita Cristy at meron siy­ang free time, so nag-‘courtesy call’ siya rito at nagbigay ng b-day gift.

Isa pa ay para ma-meet na rin niya ito dahil 5 years na siya sa showbiz ay hindi pa raw niya ito nakikilala nang perso­nal. So, parang meet and greet na rin ang nangyari.

“Wala po akong motibo kung bakit ko po ginawa ‘yon. At kung ano pong iniisip nila, sana po maintindihan nila na siyempre po, nandito po tayo (sa showbiz) at si Tita Cristy is a member of the press also. So kumbaga, parang PR na rin po ‘yon in a way,” mahinahong pakli ni Alden.

Hiningan din siya ng reaksyon doon sa sinabi umano ni Maine na hindi nito kailangan ang press (na sa pagkakaalam namin ay walang sina­bing ganu’n si Maine) and she cannot please everybody.

Kaswal na depensa ni Alden, kung nasabi man ‘yon ni Maine sa social media post nito ay dahil kilala raw si Meng na hindi talaga showbiz.

Kaya siguro ay irespeto na lang kung anuman ang opinyon nito.

***

Nabanggit din ng Pambansang Bae na pinaplano niya this year o early next year na makapagtayo ng sarili niyang foundation para mas maging malawak pa ang pagtulong niya sa mga nangangailangan.

“Kasi ako po, naniniwala po ako na kaya ako binigyan ng ganitong blessings, para mai-share ko po sa iba, hindi po para sarilinin at gamitin po nang pampersonal.

“Kasi, mas nararamdaman ko po ‘yung halaga, ‘yung worth nu’ng mga dumarating na biyaya kapag naibabahagi ko po. Kasi, ‘pag sa akin lang, empty po, eh.

“Kulang siya.”

***

Ginagawa na ni Tisoy ang se­cond album niya sa GMA Records after ng 7X platinum niyang Wish I May album.

Later this year ay meron si­yang shows sa US at Canada bago ang show niya sa London sa October 2.

Hindi kahabaan ang ang Q&A with Alden dahil nagpa-raffle pa siya kung saan bumaha ng cash prizes.

Wala nang interbyuhan after. Nag-table hopping lang siya para lahat ay makapagpa-photo op with him.

So, hindi siya natanong kung naglambing ba siya kay Tita Cristy na tigilan na ang pagbanat kay Maine sa diyaryo at kung totoo na gagawa sila ni Menggay ng Valentine movie for 2017.

Big star na big star ang dating ni Alden, na may event security men na nakapaligid na unti-unti siyang kinuha pala­bas ng venue dahil kung hindi ay walang katapusang piktyuran at selfie-han ang magaganap!

One Response