Balik sina JVee Casio at Kevin Racal mula injuries, nakipagtulungan kay Sonny Thoss at itinumba ng Alaska ang Meralco 92-77 sa first game sa Smart Araneta Coliseum Miyerkoles ng gabi.
Tatlong buwan ding nagpahinga sina Casio at Racal, si Vic Manuel na lang ang wala pa sa lineup ni coach Alex Compton.
Nakahinga nang maluwag si Compton matapos umangat ang Aces sa 4-5, inokupahan pansamantala ang 8th spot ng PBA Philippine Cup.
“We needed this win,” bulalas ni Compton. “Kung talo, what, Boracay na tayo?”
Lumapit ang Bolts 82-72 sa floater ni Baser Amer kulang 4 minutes pa sa laro.
Agad sumagot ng 3-pointer sa kabila si Kevin Racal, sinundan ng free throws ni Sonny Thoss at balik sa 15 ang abante ng Alaska.
Limang Aces ang tumapos ng 12 points pataas sa pangunguna ng 16 ni Jeron Teng. May 14 si Simon Enciso at tig-13 sina Chris Banchero at Thoss. (VE)
Nagsumite si Nico Salva ng 23 points sa Bolts, laglag sa 3-7 at natengga sa 10th. (Vladi Eduarte)