Kinarga nina dating Philippine Basketball Association players Jeric Allen Teng at Josan Michael Nimes ang Pasig Sta. Lucia Realtors upang tabunan ang Caloocan Supremos, 89-87, at makatayo agad sa 3rd Maharlika Pilipinas Basketball League 2019 Lakan Cup eliminations Miyerkoles ng gabi sa Valenzuela City Astrodome.
Kumalembang si Teng ng 25 points, 7 rebounds, 5 assists at 2 steals, habang tumabas si Nimes ng 16 markers sa pagdomina ng PSLR sa CS, tampok ang second quarter 20-point advantage, ang biggest lead sa game.
Dalawa pang starter ni Pasig coach Segundo dela Cruz ang mga sumukli kina Teng at Nimes ng dobleng pigura – Jeric Serrano na may 15 pts. at Robbie Manalang na naka-11 puntos — para itayo ang kanilang batalyon mula sa 69-82 loss kontra Zamboanga nitong Sabado at barahang 1-1.
Three-pointer ni Teng sa 6:31 ng second period ang naglagak sa Realtors ng 38-18 edge, bago pumalag kahit naghabol sa simula hanggang endgame ang Supremos na humaba sa tatlo ang kabiguan sa liga.
Ito’y kahit na may apat din ang mga pumukol ng 10 marks pataas sa Supremos na pinamunuan ng 22 at 10 nina ex-pros Almond Vosotros at AJ Mandani.