Terrafirma in, Columbian out

Umpisa sa pagbabalik ng PBA, ma-o-overhaul ang pangalang dadalhin ng Columbian Dyip.

Sa Board meeting sa opisina ng PBA sa Libis, Quezon City kamakalawa, inihain ni Columbian governor Bobby Rosales ang panukala ng transfer of ownership ng Dyip franchise mula Columbian Autocar Corporation papunta sa sister-company nilang Terrafirma Reality Development Corp.

Hindi benta, kundi palit-ownership.

“Both companies are owned and controlled by (Palawan) governor Jose Alvarez,” parating ni Rosales.

Matapos i-review ng kanilang lawyer, inaprubahan ng Board ang transfer. May ilang dokumento lang na hinihingi para maging opisyal ang hakbang.

“They satisfy all requirements of our constitution and to just submit two or three more documents and have the board approve the change of ownership,” ani chairman Ricky Vargas.

Mas malamang na manatili ang moniker ng team na Dyip.

“Most probably, we will be retaining the name of the Dyip but of course we can change that. Wala lang Columbian,” paliwanag ni Rosales. “It might be Terrafirma Dyip.”

Terrafirma ang nakapangalang may-ari sa assembly plant ng mga sasakyang gawa ng Columbian, at sa high-end na Peugeot.

Pumasok sa liga ang Columbian noong 2014 bilang expansion team kasama ng Blackwater.

Nakakaisang beses pa lang umabot sa playoffs ang Dyip, pero nakakalimang palit na ng pangalan.

Unang nakilala ang prangkisa bilang KIA Sorento, naging KIA Carnival, Mahindra Enforcer, Mahindra Floodbuster, KIA Picanto at Columbian Dyip noong 2018.

Reigning Rookie of the Year si CJ Perez na hugot ng Columbian noong 2018. Noong December, top pick muli ang Dyip at ginamit nila ‘yun kay Fil-Am Roosevelt Adams mula College of Idaho. (Vladi Eduarte)