Kung aaprubahan ni PBA commissioner Willie Marcial ang trade deal na magdadala kay Terrence Romeo mula TNT KaTropa patungong San Miguel Beer kapalit nina Brian Heruela at David Seme­rad, mukhang hindi pa rito matatapos ang usapan.

Nagkasundo na raw ang SMB at TNT sa deal, aaprubahan o tatablahin na lang ni Marcial.

Nakapaloob pa sa trade ang first round pick ng Beermen sa 2020.

Pero hindi mawala ang ugong na stopover lang ni Romeo ang San Miguel.

Ayon sa ilang sources,­ sakaling maaprubahan ang trade ay ipapain ng SMB ang three-time scoring champion sa isa pang trade package para makuha ang mas kursunada nilang player.

“Si Romeo hindi talaga sa San Miguel ang destinasyon,” anang source. “Gagamitin siyang trade bait for another player na mas gusto ng SMB.”

Isa pang source ang nagsabi: “The Beermen have their eyes on ano­ther player, at si Romeo ang talagang gusto ‘nung other team.”

Ibig sabihin ay may pangatlong team sa equation, ayaw nga lang banggitin ang player na talagang target ng SMB.

“Baka madiskaril ‘yung other talks kaya ito munang kay Romeo ang inuna, to set the wheels (trade) in motion,” dahilan ng unang source.