Hindi muna ipapatawag ng Office of the PBA Commissioner ang bagong miyembro ng San Miguel Beer na si Terrence Romeo subalit hindi naman ito makakaligtas sa multa matapos itong mapatalsik sa laro sa Game 2 ng 2019 PBA Philippine Cup Finals.

Sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial na isang alituntunin sa liga na hindi dapat hawakan o komprontahin nang diretso ang mga referee na siyang pagbabasehan upang magawaran ng parusa o mutla ang manlalaro ng Beermen.

“Dapat pa rin naman natin sila irespeto at hindi sinisigawan,” sabi ni Marcial.

Bagaman napatalsik sa laro sa sobrang pagre-reklamo, hindi naman kasing kahalaga ng flagrant foul penalty 2 ang pagkakabawal kay Romeo sa laro.
Matatandaan na naganap ang insidente sa natitirang 6:23 ng laro kung saan nakakalamang na ang Beermen sa labanan sa iskor na 96-80.

Unang tinawagan ng foul ni referee Peter Balao ang bumunggo kay Romeo na si Mark Barroca subalit malakas na ibinigay ni Romeo ang bola sa referee na nagawa naman nitong masalo. (Lito Oredo)