Terror leaders ng Marawi, may disenteng libing – AFP

Tiniyak kahapon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bibigyan pa rin ng maayos at disenteng libing ang napatay na lider ng mga terorista na sina Omar Maute at Abu Sayyaf Group (ASG) leader Isnilon Hapilon sa Marawi City.

Ayon kay AFP chief of staff Gen. Eduardo Año, ililibing nila sina Omar Maute at Hapilon base sa seremonya ng mga Muslim.

Sinabi ni Año na tao rin ang dalawang top lea­ders ng mga terorista kaya sa kabila ng panggugulo ng mga ito at maraming tropa ng gobyerno ang nasawi ay karapat-dapat pa rin namang mabigyan ng maayos na libing ang mga ito.

Pero, tumanggi naman ang AFP chief na ibun­yag ang lugar kung saan ililibing ang dalawa para hindi ito gamiting ‘symbol of martyrdom’ ng kanilang mga sympathizer.

“Disenteng libing ang ibibigay sa kanila pero hindi na natin tutukuyin ang lugar para wala nang makapagdaos pa ng anumang seremonya sa kanilang libingan ang mga taga-suporta nila,” wika ni Año.