Palalawigin ng pamunuan ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) at Department of Transportation (DOTr) ang inisyal na trial period ng Dalian train.

Ito ang iniha­yag ng DOTr kung saan tatakbo na hanggang ika-30 ng Nobyembre 2019 ang nasabing train set, mula alas-8:30 hanggang alas-10:30 nang gabi araw-araw.

Sa inisyal na plano, tatakbo lamang ang unang Dalian train set mula sana ika-15 ng Oktubre hanggang ika-31 ng Oktubre 2019.

Ayon kay MRT-3 Director for Operations Michael Capati, mula nang sinimulang patakbuhin ang nasabing train set sa linya ay wala naman itong naitalang isyu o aber­ya.

Sa katunayan, posi­tibo pa aniya ang na­ging tugon ng mga commuter sa kanilang biyahe sakay nito.

Ang extension ng trial deployment ng Dalian aniya ay para sa karagdagang obserbasyon at nakikitang makatutulong din sa inaasahang dagsa ng mga mananakay nga­yong holiday season.

Ang unang Dalian train set ay kabilang na sa regular fleet ng MRT-3 na bumibiyahe araw-araw.

Ito’y matapos pirmahan ng maintenance provider na Sumitomo-MHI-TESP noong Oktubre 14 ang kasunduang nagbibi­gay pahintulot na patakbuhin ang isang Dalian train set sa rail line.

Gayunman, ipina­babatid ng ahensya na sa sandaling magsimula ang pagpapalit ng riles ng MRT-3 ay maaaring pansamantalang ipati­gil ang deployment ng nasabing train set. (Armida Rico)