TESTIGO, VIDEO HINAHANAP

Humihingi ng tulong ang pamilya ng isang motorcycle rider sa sinumang nakasaksi o nakakuha ng video sa buong pangyayari bago ito napatay makaraang manlaban umano sa mga umaresto sa kanya na mga tauhan ng Philippine Natio­nal Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG).

Inihayag ni Robert Dela Riarte ang panawagan ng kanilang pamilya upang malaman aniya ang buong katotohanan sa likod ng pagkakapatay sa kanyang bunsong kapatid na si John Dela Riarte, 26-anyos.

Si John, na binata pa at bunso sa anim na magkakapatid, ay galing sa kanilang bahay sa Novaliches, Quezon City at papasok sana sa bago nitong trabaho bilang company driver ng isang bangko sa Makati City nang mangyari ang trahedya noong Biyernes ng umaga sa southbound lane ng EDSA-Estrella.

May nabangga umanong kotse si John at nagwawala ito. Nang makontrol ng mga awtoridad ay pinosasan saka isinakay ng mobile car pero tinangka umanong manlaban sa mga tauhan ng PNP-HPG hanggang sa pinagbabaril na ito.

“Gusto naming malaman ang totoo. Nalulungkot ako kasi `di nila (PNP-HPG) agad sinabi ang katotohanan (kung bakit napatay ang kanyang ka­patid),” ayon kay Robert.

Kinukuwestyon ng pamilya Dela Riarte kung bakit pinagbabaril ang biktima sa kabila ng nakaposas na ito. Lumalabas din umano sa ulat na nagtamo ng dalawang tama ng bala ang kanyang kapatid suba­lit batay sa autopsy ay a­pat na bala ang tinamo nito.

Umaasa ang pamilya na may lalantad na testigo at video na magbibigay ng linaw sa likod ng pagkamatay ng kanilang bunso.

Kaugnay naman sa dudang naka-drugs ang biktima nang mangyari ang insidente kaya malakas ang loob nitong manlaban, mariing itinanggi ni Ro­bert na gumagamit ng droga ang kanyang kapatid.

Inilabas pa nito sa kanyang Facebook page ang random drug test ni John noong March 3, 2016 kung saan negatibo ito sa metamphitamine at tetrahydrocannabinol. Sumailalim umano ang kanyang kapatid sa random drug test noong nagtatrabaho pa ito sa Resorts World.

“Please, any witnesses and those police involved explain to us,” ani Robert.

“Ang kapatid ko first time po `yan nahuli ng ganyan. Mukhang natatakot po siya during that time, nalilito, nangangamba. Kilala ko po `yang kapatid ko, nagtatapang-tapangan lang po pero ang totoo malambot po ang kapatid ko, mabait po siya,” aniya pa sa pana­yam ng Abante TONITE kagabi.”

2 PULIS IKINUSTODYA

Kinumpirma kahapon ni PNP-HPG spokesperson Supt. Elizabeth Velasquez na nasa kustodiya na ngayon ang dalawang tauhan nila na sangkot sa pagkamatay ni John.

“Tuloy po ang aming ginagawang imbestigasyon para matukoy kung ano ang mabigat na dahilan bakit binaril ng dalawang HPG members ang biktima,” wika ni Velasquez.

Tiniyak nito na magiging patas ang imbestigasyon para malaman kung overkill nga ang nangyari.

Base umano sa pahayag ng dalawang pulis na kinilalang sina PO3 Jeremiah De Villa at PO2 Jonjie Manon-og, rumesponde sila sa insidente at inabutan na hinahampas ng biktima gamit ang kanyang helmet ang nabangga nitong kotse.

Dito pinosasan nila ang biktima habang patuloy umanong lumalaban at pumipiglas saka isinakay sa mobile car.

Tinangkang agawin umano ng biktima ang baril ni Manon-og kaya pinaputukan ito ng dalawang beses ni De Villa.

MMDA MAKIKIPAGTULUNGAN

Handa namang makipagtulungan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa isina­gawang imbestigasyon kaugnay sa naturang kaso.

Ayon kay MMDA Public Information head Hope Libiran, aalamin nila ang buong detalye mula sa kanilang mga traffic constable na rumesponde sa insidente.

Aalamin din kung nakuhanan ng kanilang CCTV ang pangyayari. Betchai Julian, Eralyn Prado