Testing capacity susi para maalis lockdown – Gatchalian

Malaking bagay para maalis na ang lockdown kung mapalalakas ng pamahalaan ang testing capacity nito laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Inihayag ito ni Senador Sherwin Gatchalian sa panayam sa kanya sa DZRH kung saan pinag-usapan ang pag-aalis ng enhanced community quarantine na pinatupad para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 sa bansa.

“Ang key ho dito…is `yung testing capacity `yun talaga `yung pinaka-importante kaya nga doon sa Bayanihan Act na ipinasa ng Kongreso, nakasulat ho doon na bigyan natin ng kapangyarihan ang Executive na bumili ng maraming laboratoryo at magtayo ng testing facilities,” sabi ni Gatchalian.

Aniya, hindi ibig sabihin na kaya inalis na ng ibang bansa ang kanilang lockdown ay dahil wala na silang virus. Kaya malakas aniya ang loob ng ibang bansa na magbukas o alisin ang lockdown ay dahil mayroon silang testing capacity.

“Alam nila na kahit na pumutok `to [coronavirus] ulit, mabilis ho sila mag-test. Nag-lockdown sila noong una dahil wala pa silang testing capacity kumbaga nangangapa pa, kumabaga kung alam mong may sakit pero hindi mo naman mahanap, talagang mangangapa ka talaga. Pero over the course of their crisis nakapag-develop po sila ng testing capacity kaya noong humupa na, malakas `yung loob nilang tanggalin `yung lockdown dahil meron na silang testing capacity at kaya na nila hanapin `yung sakit,” ayon sa senador.

Sabi ni Gatchalian, ang target ng pamahalaan sa Mayo 15 dapat mayroon nang hindi bababa ng 21,000 testing capacity kada araw.

“Sa ngayon ho tiningnan ko po noong Biyernes nasa 7,000 ho tayo, so one third pa lang ang testing capacity natin. Ngayon, alam kong maraming tinatayong laboratory, narinig ko sa IATF,” ani Gatchalian.

Pagdating aniya ng Mayo 15 kahit kalahati pa lamang ng 21,000 testing capacity o kahit na 10,000 pa lang baka maglakas loob siya na pabuksan ang ekonomiya para makapagtrabaho na.