Testing facility ng PNP binuksan na

Binuksan na ang bagong COVID-19 testing facility ng Philippine National Police (PNP) sa Crime Laboratory sa Camp Crame ngayong umaga.

Pinangunahan ni Chief Police Gen. Archie Francisco Gamboa ang pagbubukas matapos matanggap ng PNP molecular lab ang sertipikasyon mula sa Research Institute for Tropical medicine (RITM) at license to operate mula sa Department of Health (DOH).

Kasabay nito, inilunsad din ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang Mobile swabbing truck na magsasagawa ng swabbing sa field, at dadalhin na lang ang mga samples sa molecular lab.

Paliwanag ni Gamboa, mas `convenient’ ito para sa mga pulis na kailangang i-test dahil hindi na nila kailangang pumunta sa Camp Crame para sa swabbing.

Ayon kay Gamboa, may kakayahan sila na mag-test ng aabot sa 150 indibidual kada araw kung saan inisyal na magiging prayoridad ang mga pulis at kanilang mga dependent.

Sinabi naman ni PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to Covid 19 Operations Task Force Commander PLt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan na pansamantala lang ang testing facility sa Crime Lab dahil ililipat din ito sa gagawing permanenteng 85 metro kwadradong pasilidad sa likod ng gusali ng PNP Health Service. (Edwin Balasa)