Tetay desperada na?

Nagpahaging si Kris Aquino sa veteran columnist/manager na si Lolit Solis na tila humihingi ng tulong para bigyan siya ng show ng GMA-7.

Nag-post kasi si Nay Lolit sa kanyang Instagram post tungkol sa nangyaring pagkaka-disqualify ng “K(Ampon)” sa Metro Manila Film Festival 209 at sa comments section ay nagkomento si Kris.

Sa post kasi ni Nay Lolit ay sinabi niyang nanghihinayang daw siya sa project since excited pa naman si Kris na magbalik-trabaho.

“Para naman naglaro ang kapalaran kay Kris Aquino ha Salve. Excited pa naman siya magbalik trabaho at bagay naman sa pagbabalik niya ang napili niyang project na Kampon, kung bakit nagkaroon ng hitches ito.

“Maganda din naman ang ipinalit nila kay Derek Ramsay na si Gabby Concepcion pero siguro nga dahil sa bilis ng mga pangyayari nakalimutan nila ipadala agad ang letter informing the committee nang pagpapalit ng leading man.

“Grabe ang bilis ng pangyayari kaya I can just imagine ang frustration ni Kris.

“Sayang dahil talagang parang itinakda iyon project sa pagbabalik tambalan nila ni Gabby na siyang nagsimula ng showbiz career niya tapos heto pa ang magiging ending.

“Siguro naman maayos ang lahat dahil hindi naman akalain magkakaroon ng problema kay Derek. Saka dapat dahil sanay na si Atty Joji sa pagsali sa festival alam na niya ang mga sinusunod na panuntunan kaya dapat naayos agad ito.

“Well, usually naman mga setback na ganito is for the better baka mas maganda ang kalalabasan, malay natin. Wait na lang tayo,” ang laman ng post ni Nay Lolit.

Ang sagot naman ni Kris, “chill na chill ako Nay. Life is good, Aug 20 i’ll take the kids on a beach break para hindi ko na lang maisip ang 1st shooting day… sayang lang yung 4.4 million views na on FB nu’ng pag visit kay Gabby. Maybe kagaya ng pag negotiate mo for me ng Star Talk before, you can negotiate w/ @gmanetwork a teleserye, same slot as ika-6 na autos na super sinubaybayan namin?”

Dahil dito ay may ilang nang-bash kay Kris sa page-emote nito ng show. Komento ng isang netizen, hindi raw niya a­kalaing dadating ang araw na ito na kinakaila-ngan pang magparinig ni Tetay sa GMA at ABS-CBN para bigyan siya ng show.

Tinext nga namin si Nay Lolit at tinatanong kung tutulungan ba niya si Kris na magkaroon ng show sa GMA-7.

Sagot naman ng ve-teran columnist/manager, sasabihin daw niya kay Annette Gozon, GMA Films President at kung siya nga lang daw ang may-ari ng network ay bibigyan niya raw agad ng tatlong shows si Kris.
“Kung sa akin GMA give ko siya isa teleserye talk show at game show. Mag-iipon ako datung para matupad pangarap niya, hah hah. Wish ko nga magkaroon na siya ng show, sabihin ko Ms Annette, malay mo diba?” text ni Nay Lolit sa amin.

Dagdag pa niya, “kasi si Tetay mas marami trabaho mas gusto niya mas iyon hanap ng katawan niya. Kaya nga maysakit iyan kasi konti trabaho.”
Ipinagtanggol din ni Nay Lolit si Kris sa mga nangba-bash at nag-aakusang desperada ito.

“Naku karapatan naman niya maglambing ng trabaho., bakit kailangang i-bash? So you want a show, di sabihin mo, mas maganda na iyon kesa naman hindi mo sinasabi gusto mo, di bah?” text pa ni Nay Lolit.

Oo nga naman.

***

Dingdong ‘di nagpakita ng hirap kay Salas

Aminado si Paul Salas na talagang sobrang hirap ng dinaanan nilang military training kamakailan bilang paghahanda sa seryeng Descendants of the Sun kasama ang uncle niyang si Dingdong Dantes.

Pero at the same time ay marami raw siyang natutunan talaga.

“Grabe, talagang after nu’n, mabilis na akong maligo, may patience na ako.

Medyo impatient kasi ako, eh. So, after nu’n, talagang naka-kabago kahit 2 days lang kami nag-training.

“Pero ‘yung 2 days na ‘yun, naku, parang dalawang buwan,” sey ni Paul nang makatsikahan namin sa birthday party ng aming editor dito sa Abante Tonite na si Roldan Castro.

Sa sobrang hirap, talagang hindi na raw niya kinakaya pero dahil kay Tito Dingdong niya na nagbibigay rin ng inspirasyon sa kanya, talagang pinilit niyang kayanin.

Nagtataka nga raw siya kay Tito Dong niya dahil parang wala lang daw dito ang mahihirap na training at kayang-kaya raw nito, pati na ang ibang aktor na kasamahan nila.

“Siguro kasi ako ‘yung pinakabunso sa grupo, so, medyo ako ‘yung nahihirapan. Pero wonderful experience naman po,” he said.

Sobrang excited and looking forward na raw siya sa Descendants of the Sun at sobrang saya rin niya dahil first time niyang makakatrabaho ang kanyang Tito Dong.

Katatapos lang ni Paul ng seryeng Kara Mia sa Kapuso at ngayon ay may panibago na agad na kasunod kaya naman masayang-masaya ang aktor and very thankful sa management.