Isang binata ang naghihimas ngayon ng rehas matapos sampahan ng kaso at makulong dahil sa kasong panggagahasa sa 13-anyos nitong textmate sa Bambang, Nueva Vizcaya.

Nahaharap ngayon sa 14 ­bilang ng kasong rape ang ‘di muna pinangalanang 18-anyos na suspek, na No. 1 most wanted person din sa Dupax del Sur, Nueva Vizcaya.

Inaresto ito ng mga awtoridad sa bisa na rin ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Paul Atolba, ng Regional Trial Court Branch 30 sa Bambang, Nueva Vizcaya.

Sa lumabas na ulat base na rin sa panayam kay C/Insp. Ryan del Malanta, hepe ng Dupax del Sur Police Station, bago ang insidente ay nagkasundo ang dalagitang biktima at suspek na magkita at sunduin ng lalaki ang kanyang textmate sa Kayapa, Nueva Vizcaya.

Nang magkita ay dinala ang biktima sa Banila, Dupax del Sur kung saan sa loob ng isang linggo ay hindi umano ito pina­uwi ng salarin kasabay na rin ng sapilitang panggagahasa sa 13-anyos na textmate.

Pagkauwi naman ng dalagita ay hindi ito nag-atubiling magsumbong sa kanyang tiyuhin na siyang tumulong sa kanya na magsuplong sa pulisya.

Agad namang dinakip ng mga awtoridad ang suspek at ngayo’y nahaharap sa 14 counts ng rape.