Thai volleyball team natengga sa NAIA

Tatlong oras na stranded sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang Thai women’s volleyball team na dumating kahapon para sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Muling sinisi ang aberya sa hindi maayos na pamamalakad at koordinasyon ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) sa pamununo ni House Speaker Alan Cayetano.

Nakabandera sa Twitter ang larawan ng mga babaeng atleta ng Thailand habang nakasalampak sa sahig ng NAIA.

Kuha ang larawan ni Pleumit Thinkaow kasama ng kanyang mga teammate na nakahiga at natutulog sa sahig kasama ang kanilang mga bagahe.

“Still waiting at the airport (grimacing emoji),” ayon pa sa tweet ni Pleumit bandang alas-3:03 nang hapon.

Bandang alas-7:45 nang gabi ay wala pang linaw kung sinundo na ang mga Thai athlete sa airport para sa SEA Games.

Magugunita na dumanas din ng katulad ng kapalpakan nang maghintay ng matagal na oras sa airport ang mga bagong dating na mga atleta ng Cambodia, Malaysia, Myanmar na isinisi rin sa Phisgoc ni Cayetano.

Pagkatapos ng insidente ay tiniyak ng ahensya na naayos na nila ang gusot subalit muling naulit ang aberya kahapon.