The Beast balik sa Aces

Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. — GlobalPort vs. Star
6:45 p.m. — Ginebra vs. Alaska

Inaasahang maglalaro na sa Alaska si Calvin Abueva laban sa Ginebra ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Sa 100-96 loss ng Aces sa Meralco noong Linggo, hindi naglaro ang The Beast, nasa Big Dome pero naka-civilian at naupo sa dulo ng bench ng kanyang team.

Pagkatapos ng laro, inamin ng do-it-all forward na ramdam na niya ang pananakit ng katawan bunga ng kanyang pisikal na estilo ng laro. Walang humpay siyang kumayod para tumulong sa paghahatid sa Alaska sa apat na sunod na finals, nasama pa sa Gilas national squad.

“Nu’ng na-cut tayo (sa Gilas), doon natin naramdaman ‘yung pagod at saka ‘yung sakit,” ani Abueva, ang Commissioner’­s Cup Best Player. “After pa lang nu’ng (Commissioner’s Cup) finals (vs. Rain or Shine), naramdaman ko na pero kailangan tayo ng Pilipinas kaya pinilit natin.”

Sinabi ni Meralco coach Norman Black, miyembro rin ng Gilas coaching staff, na nabanggit sa kanila ni Abueva ang mga iniinda.

“I know that Calvin expressed to us in Ita­ly that his hamstring is bothering him, his shoulder is bothering him, he had all kinds of ailments,” lahad ni Black pagkatapos ng ikalawang sunod na panalo ng Bolts. “He said he would probably take some time off to rest those problems, those injuries, and I think that’s what he did today.”

Martes ay nakaplano na bumalik na sa praktis si Abueva, at inaasahang sasalang na kontra Gin Kings ngayon.