Malinaw na naiparating ni Jayson Castro ang misyon niya sa PBA Governors Cup: Championship ring.
At binakapan ng The Blur ang misyon sa bigating produksyon sa bawat laro ng TNT KaTropa.
Parang import kung maglaro si Castro, pinakahuli sa kanyang numero ang 26 points, 10 assists, 5 steals at 4 rebounds sa 120-118 win ng TNT laban sa Alaska noong Biyernes sa Antipolo.
Tampok sa laro ni Castro ang krusyal na free throw sa dying seconds na nag-selyo sa ga-buhok na panalo.
Binitbit ni Castro ang TNT para makipagsabayan sa Aces sa fourth quarter, naglista sa period ng 9 points, dalawa mula 3-point range, nagbigay ng 5 feeds at may 2 steals tungo sa ikatlong sunod na panalo sa gayunding dami ng laro ng KaTropa.
Nasa tuktok ng standings ang TNT kabuhol ang nanggugulat na Mahindra.
Nakuha ni Castro, two-time Best Guard sa last two editions ng FIBA-Asia men’s championships, ang una niyang Accel-PBA Press Corps Player of the Week citation.
Pagkatapos ng panalo, kinumpirma ni Castro na may offer nga sa kanya ang isang team sa Chinese Basketball Association. Matagal na raw ‘yun, pero hindi niya masyadong binigyang-pansin dahil naka-focus siya sa TNT.
Tumutugon lang daw siya sa challenge ng management na muli silang bumalik sa finals.
“Matagal na ‘yun (offer) at tsaka hindi ko na muna iniisip ‘yun kasi ilang conference na kaming hindi nakakapasok ng semifinals,” anang 30-anyos na combo guard.