‘The Swiss Challenge!’

Break a leg by Benjie Alejandro

Ito ang gustong ipatupad ni Pangulong Duterte sa lahat ng proyekto ng gobyerno kapalit ng’ bidding’ na pinag-uugatan lamang ng ‘katiwalian at pagkabalam’ ng mga pagawaing bayan.

Ayon kay PDU30, ang ‘Swiss Challenge’ ay isang sistema para sa kalidad at mabilis na pagtatatapos ng proyekto.

Ang ‘Swiss Challenge,’ ay bagong proseso sa pagbibigay ng kontrata… sinuman o anumang grupo na may ‘credential’ at lehitimo – hindi bogus at dorobo – ay maaring magsumite sa gobyerno ng ‘development proposal’ na tinatawag ding ‘unsolicited proposal.’

Agad itong isasapubliko sa pamamagitan ng ‘online’ para makapagsumite ng ‘counter proposal’ ang sinumang interesado at may magandang panukala sa orihinal na alok. Ang may pinakamagandang ‘panukala’ o alok ang siyang makakakuha ng kontrata.

May ilang proyekto na sa bansa ang natapos sa ganitong sistema. Kumbinsido si PDU30 na ang iba pang mga pagawaing bayan ay mapapadali ang pagtatapos o ‘completion’ sa ‘Swiss challenge.’

Ito na kaya ang susi para matuldukan ang katiwalian sa mga pagawaing bayan o public works?

Sana ito na ang daan para makumpleto ang mga putol-putol na ‘road project’ na napakarami sa kanayunan.

****

Ano kaya ang reaksiyon ng mga ‘multinational company’ na gumagawa ng napakamahal na “branded” na gamot?

Sa pagbabalik sa bansa ni PDU30 mula sa dinaluhang ASEAN-INDIA Commemorative Summit, may uwi itong mahigit sa isang bilyong dolyar na ‘business agreement at pledges’ mula sa mga ‘Indian company.’

Kabilang na dito ang pagtatayo ng Pharmaceutical company sa bansa.

Mangangahulugan ba ito ng pagbagsak sa presyo ng gamot?

Ito na ba ang hudyat sa pagtatapos ng pagpapasasa ng mga malalaking kompanya ng gamot sa bansa?

Hindi rin ito magandang balita sa mga Doktor – hindi lahat – na malimit magreseta ng mga “ branded” o mamahaling gamot.

****

Kung may kumpetensiya na ang mga ‘multinational company’ at magresulta ito sa murang halaga ng gamot, malaking ginhawa ito sa mga mahihirap na kailangang pumila ng maaga sa bahay ng mga pulitiko at sa PCSO para lamang makahingi ng pambili ng gamot.

Mangyari agad sana ito, hindi lamang sa ‘balita.’

Matagal ng nagpasasa ang mga kompanyang multinasyonal sa bansa.