`Think before you click’ para iwas fake news at `di makapamerwisyo

Nakalulungkot na sa gitna ng kaliwa’t kanang panawagan ng mga tauhan ng pamahalaan laban sa fake news, mismong ang lungsod ng Maynila ay nabiktima nito hindi lamang minsan, kundi dalawang beses pa, nitong mga nakaraang araw.

`Yong una ay gawa ng isang Ronald Gunday na nag-post ng pekeng larawan ng tupada. Matapos naming maberipika na hindi ito totoo, si Gunday ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at Republic Act 1469 o Bayanihan To Heal As One Act kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapalaganap ng mga pekeng balita o impormasyon.

Bakit hindi? Eh inaksaya niya ang pagod ng pamahalaang lokal. Kami ay umaaksyon nang mabilis sa mga reklamo pero tiyakin lamang na totoo dahil kung peke, pananagutin namin kayo.

Mas malupit ‘yong ikalawang pekeng post kung saan ipinakikita ang Divisoria na punong-puno ng tao. Pinalalabas nito na walang disiplinang umiiral sa hanay ng mamamayan gayundin sa gobyerno ng Maynila. Nakalulungkot na may ilang nag-share pa nito nang hindi man lamang inalam muna kung totoo o hindi.

`Di naman lingid sa kaalaman ng lahat na `di pa man nag-iinit ang aking puwitan sa pag-upo bilang alkalde ng Maynila, agad kong ibinalik ang Divisoria sa nararapat nitong kalagyan at ‘yan ay bilang isang kalsada na malayang nadaraanan ng mga motorista anumang oras. Hindi biro ang laki ng halagang alok sa inyong lingkod para lamang payagan kong manatili ang sandamakmak na illegal vendor na naghari sa Divisoria sa loob ng napakahabang panahon, gayundin ang dami ng banta na aking tinanggap dahil sa pagtanggi ko sa alok at paninindigang tapusin na ang pamamayagpag ng mga ‘organizer’ ng mga illegal vendor.

Paulit-ulit ko ring sinabi na kapag bumalik ang mga vendor diyan gaya ng dati, isa lang ang ibig sabihin: nabayaran ako.

Kaya naman nang may mga nagpakalat ng pekeng larawan ng Divisoria na nag-uumapaw sa dami ng tao, napailing na lamang ako lalo pa’t ang ilan sa mga nag-share ay mga kilalang bahagi ng pamahalaan na may paraan upang ako ay direktang tanungin ukol sa nasabing isyu.

Gayunman, sila ay umamin na ng pagkakamali at humingi na ng paumanhin kaya maaari na tayong mag-‘move on’ kasama ang panawagan sa publiko na maging responsable sa paggamit ng social media at matutong magsiyasat kung totoo o hindi ang kanilang ipino-post o nire-repost. Hindi lamang dahil maaari silang makapanira ng kapwa kundi dahil ito ay isang hayagang paglabag sa ‘Bayanihan Act’ na may kaakibat na kaparusahan.

`Di nga ba’t ilang beses na nating narinig at nabasa ang mga salitang ‘think before you click?’ Ibig sabihin, gamitan naman natin ng pag-iisip ang paggamit sa social media hindi ‘yong bara-bara lang. May kaakibat na responsibilidad ang paggamit ng social media at ang pagpapakalat ng mga pekeng impormasyon ay walang tulong o buting maidudulot sa kasalukuyang krisis na kinakaharap ng ating bansa.

Kukunin ko na rin ang pagkakataong ito para manawagan sa publiko na maging mapanuri sa kanilang mga nakikita sa social media at ‘wag din basta-basta maniwala at mag-share ng anumang impormasyon na hindi naman beripikado o napatunayang totoo.

Nakalulungkot kasing isipin na sa gitna ng krisis na kinakaharap ng ating bansa, may ilang indibidwal na hindi na nga nakatutulong ay nakukuha pang mamerwisyo.

Kung mayroon tayong kinakaharap na coronavirus, pumapasok din sa eksena ang ‘poli-virus,’ o ‘political virus.’ Ito ay likha ng mga makasariling politiko na dahil ayaw magbigay ng anumang tulong ay gagawin ang lahat para siraan na lamang ‘yong mga tunay na tumutulong. Imbes na bumili man lamang ng bigas para maitulong sa mga nagugutom, pinipili ng mga ito na magbayad na lang ng mga troll o taga-post ng mga fake news at utuin ang publiko na paniwalaan ito.

Sila ‘yong mga walang magawa sa buhay. Pindot lang sa internet, bayad na. `Di baleng sirain nila ang gobyerno at ang utak ninyo para tumaas lalo ang stress ninyo. Dun kumikita ang mga taong ito na binabayaran ng mga walang–hiya na politiko. ‘Yon ang pinakakain nila sa kanilang pamilya ‘yong galing sa paninira sa mga gobyerno.

Mahaba ang pasensiya ko, pero may hangganan din. Mag-ingat sa mga post at repost. Kung wala kang maitutulong ‘wag ka na sanang makaperwisyo pa.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!

***

Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso.’