Bumubuntot si June Mar Fajardo kay Jayson Castro ng TNT KaTropa sa PBA Governors Cup Best Player of the Conference race, pero hindi mala­yong itakbo pa rin ng San Miguel Beer big man ang pinakamalaking indivi­dual dia­dem ng season.

Sa pagtatapos ng quarterfinal round ng season-ending conference, si 6-foot-10 Fajardo ang nangunguna sa MVP race sa average statistical points na 39.5 overall.

Bulto ng pag-alagwa ni Fajardo sa pagdikit sa pangatlong sunod na MVP plum ay ang matikas na inilaro sa season-opening Philippine Cup nang maidepensa ng Beermen ang korona at makuha niya ang third straight BPC award.

Sa season-ending Governors Cup, una sa karera sa BPC si Castro sa 42.2 SPs. Mauungusan pa siya ni Fajardo kung makakaabot sa finals ang SMB at masipa sa semis ang TNT.

Kahit makontak ng TNT ang championship at makuha ni Castro ang BPC, malayo ang 34.7 SPs niya kay Fajardo.

Nasa karera rin sa MVP si Commissioner’s Cup BPC Calvin Abueva ng Alaska sa 32.1, pero halos out na rin dahil sixth siya sa Philippine Cup at fourth sa ongoing tournament, at hanggang quarters lang ang inabot ng Aces.

Third sa BPC at MVP race si Terrence Romeo ng GlobalPort.

Sa ROY, konti lang ang bentahe ni Troy Rosario (23.5) ng TNT kay Chris Newsome (23.4) ng Meralco.