Sa maiksing panahon na nasama sa pool ng Philippine team, nagkaroon na ng koneksiyon si Thirdy Ravena sa kanyang mga kuya.

Iba ang samahan nila, tinutulungan siya at ginagabayan.

“Tinuturuan nila ako, kung ano ‘yun na-miss out ko sinasabi nila sa akin,” anang nakababatang kapatid ni Kiefer.

Si Thirdy ang pina­kabata – at tanging collegiate player – sa grupo, hindi pa tapos ang kanyang paglalaro sa Ateneo ay tinawag ni coach Yeng Guiao para isama sa pool. Siya ang pang-15 miyembro.

Katunayan, isasama si Thirdy hanggang sa biyahe ng Team Pilipinas sa final window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Walang kasiguruhan kung mapapabilang sa Final 12, pero masaya na ang anak ni TNT coach Bong Ravena sa nakukuhang aral at sa tiwala ni Guiao.

“It’s a challenge for me to try and make the lineup kasi nandito na rin ako,” pahayag ni Ravena.

Gusto niya raw ibalik ‘yung tiwala ni Guiao sa pamamagitan ng buhos na laro.

Ngayong araw ang biyahe ng Team Pilipinas papuntang Doha, haharapin ang Qatar sa Feb. 21. Kinabukasan ay biyaheng Astana sila para naman sa Kazakhstan game sa Feb. 24.

Pinayagan ng Ateneo si Thirdy pero kahit nasa biyahe ay tuloy ang pagtupad niya sa kanyang academic requirements.