‘Di nagpatumpik-tumpik si Thirdy Ravena, tumugon agad sa hindi inaasahang tawag ni Coach Yeng Guiao para sumali sa pool ng Team Pilipinas.

Dumating si Ra­vena sa Meralco Gym Huwebes nang gabi at naging pang-12 player na nag-practice.

Ikinukonsidera ang Ateneo main man na masama sa final 12 ng Team Pilipinas na isasabak sa final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa susunod na buwan.

Dadayuhin ng Nationals ang Qatar sa Feb. 21, isusunod ang Kazakhstan sa Feb. 24.

Hindi pa makumpirma ang lagay mula sa injuries nina big men Troy Rosario (broken nose) at Raymond Almazan (ankle), kaya tinawagan ni Guiao si Ravena.

Mula sa laro ng Blue Eagles sa PCCL, dumiretso ang na­kababatang kapatid ni Kiefer sa ensayo ng Nationals sa Pasig.
Naroon din sina Almazan, Rosario, June Mar Fajardo, Poy Erram, Gabe Norwood, Jayson Castro, Paul Lee, Mark Barroca, Roger Pogoy, Marcio Lassiter at Scottie Thompson.

Si Ravena ang 15th man sa pool, kasama sina Andray Blatche na sa Feb. 1 pa darating ng bansa at naturalized back-up Christian Standhardinger.