Lawit-dila at hinahabol na ni Earl Scottie Thompson ang hininga noong Linggo, pero nakipagsabayan pa rin sa opensa at depensa para tulungan ang Ginebra sa 97-93 overtime win kontra Magnolia Pambansang Manok.
Tumabo si Thompson ng career-high 27 points mula 8 of 14 shootins, 8 for 12 sa stripe. May sahog pang 11 rebounds, 5 assists, tig-isang steal at block kontra 4 turnovers.
Ginawa niya ‘yun habang buong gabi ding binubulabog sa depensa si Paul Lee. Kapag si Mark Barroca o si Jio Jalalon ang nasa loob, nakabuntot ding parang anino si Thompson, minsan ay binabak-apan ni Sol Mercado.
Sa walang tigil na paglagari sa court sa loob ng 41 ½ minutes, hinihingal na si Thompson.
“That’s the first time I saw Scottie pant,” lahad ni coach Tim Cone.
Nilabas lang ni Cone ang kanyang guard dahil nagka-cramps na sa extra period. First time daw ni Thompson pulikatin ng ganun sa laro.
“He was having a big night. I mean he was hitting his shots, he just seem to be at every rebound, defending Paul Lee,” dagdag ng coach. “If he’s not guarding Paul Lee he was guarding the jackrabbits either Jalalon or Barroca.”
Nanaig si Thompson, 25, sa shootout nila ni Jalalon na dati pa niyang karibal noong NCAA days nila – si Thompson sa Perpetual, si Jalalon sa Arellano.
Tumapos si Jalalon ng 22 points kabilang ang back-to-back 3s sa dulo ng regulation na nagpuwersa ng OT.
“Nakakatuwa, kasi NCAA days natin. ‘Yung matchup namin talagang nakaka-motivate,” ani Thompson.
Balik ang Ginebra at si Thompson sa court para hamunin ang NLEX sa Petron Blaze Saturday Special ng PBA Philippine Cup sa mismong teritoryo ni Road Warriors coach Yeng Guiao sa Angeles City, Pampanga.
Sa 5-3 ay nasa fourth ang Gins, umiiwas mapadpad sa 7-8 na may twice-to-win handicap kontra 1 at 2. Kabuhol ng Magnolia at Alaska ang NLEX sa 6th-8th sa pare-parehong 4-5, nagpapatibay ng kapit para maniguro sa playoffs.
(Vladi Eduarte)