Thoss sawa na sa PBA

Pagkatapos ng 16 years, isasabit na rin ni Sonny Thoss ang kanyang No. 7 jersey.

Huling conference na ng Fil-German ang papasok na Philippine Cup sa Marso 1. Hindi na niya tatapusin ang buong 45th season.

“Sonny will be retiring at the end of the Philippine Cup,” balita ni Alaska team manager Dickie Bachmann sa Milan.

Nasa nabanggit na lungsod sa Italy si Bachmann, kasama ng lahat ng PBA governors sa pangu­nguna ni Board chairman Ricky Vargas ng TNT, at si commissioner Willie Marcial para sa annual planning.

Nakumbinse ni Bachmann ang kanyang big man na maglaro pa sa all-Pinoy. Magagamit pa rin ng team ang 6-foot-7 frame nito sa season-opening tournament.

“We really lacked a big man especially in the Philippine Cup,” paliwanag ng Alaska executive. “It’s okay in the Commissioner’s Cup and Governors Cup because the imports can compensate.”

Noong Dec. 7 ay 38 na si Thoss, buong career niya ay ginugol sa Aces na tumapik sa kanya bilang 5th overall pick noong 2004.

Pinanganak sa Port Moresby,­ Papua New Guinea si Thoss. Cebuana­ ang kanyang ina.

May tatlong championship rings na siya sa PBA – 2007 Fiesta, 2010 Fiesta at 2013 Commissioner’s nang itanghal siyang Finals MVP nang walisin ng Aces ang Ginebra sa tatlong laro.

Naging 12-time All-Star si Thoss huli noong 2018. Dalawang beses siya sa Mythical First Team (2010, 2011), four-time Mythical Second Team (2008, 2012-2014), PBA All-Rookie Team (2005) at tumanggap ng PBA Sportsmanship Award (2012). (Vladi Eduarte)