Sumalakay uli sa Malabon City kahapon ng madaling-araw ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na basta na lamang nananaksak kapag natiyempuhan nitong nag-iisa ang biktima.
Sa ulat ng Malabon Police, bandang alas-5:30 ng madaling-araw nang mag-trip na naman manaksak ang suspek sa harapan ng dating barangay outpost sa C-4 Road na sakop ng Barangay Tañong.
Mag-isang natutulog sa mahabang kahoy na upuan si Nestor Navarro, 46-anyos, taga-Desierto St., Malabon, nang dumating ang suspek na armado ng patalim at pinagsasaksak ng tatlong beses sa kanyang dibdib ang biktima na nakasigaw naman agad para humingi ng saklolo.
Habang paparating ang ilang tao ay mabilis na tumakas ang suspek. Tinangka pa sana siyang habulin ng mga nakatira sa lugar pero hindi na nila inabutan.
Isinugod sa Tondo Medical Center ang biktima na agaw-buhay ngayon at patuloy pang inoobserbahan ang kalagayan.
Madaling-araw noong Oktobre 13 ay nagkaroon din ng ganitong insidente kung saan ay isang fish porter na si Reynaldo Manaclay, 25, ang sinaksak ng hindi pa nakikilalang lalaki habang natutulog sa loob ng Malabon Public Market.