Ticket mas mura sa pagbabalik ng lotto

Ibababa ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang dating presyo ng mga lotto ticket sa oras na payagan na muli silang magbukas.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, mula P24 ay magiging P20 na ulit ang bayad para sa lotto ticket.

“Babalik po kami ng P20 inclusive na po ang VAT,” ayon kay Garma sa panayam sa dzBB.

Naapektuhan ang presyo ng lotto ticket noong 2018 dahil sa TRAIN Law kung saan tumaas ang document stamp tax para sa mga ticket kaya’t tinaas din ng PCSO ang bayad para dito.

Bukod pa dito, binaba din ng PCSO ang cash bond para magmay-ari ng isang lotto outlet franchise, P300,000 para sa Manila, P200,000 para sa mga siyudad at P100,000 naman sa mga munisipalidad.

Ayon kay Garma, tatlong linggo na ang nakakalipas mula noong humiling sila sa Inter-Agency Task Force para maibalik na ang operasyon ng mga lotto outlet sa bansa.

“Sana po, so, kung napag-uusapan na, ibig pong sabihin na nabasa po nila ‘yung request namin at ito’y inaaral na rin po nila kung safe na bang ibalik ‘yung palaro,” lahad ng PCSO top official.