TRECE MARTIRES CITY, Cavite — Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Cavite bunsod na rin ng patuloy na paglobo ng kaso ng tigdas sa lugar.

Batay sa ulat ng Provincial Information and Community Affairs Division (PICAD) idineklara ang State of calamity sa Cavite batay na rin sa resolusyong ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan (Provincial Legislative Council) Resolution No. 1165 noong Pebrero 18 na inaprubahan ni Cavite Governor Jesus Crispin Remulla.

Kasabay nito ay inatasan na rin ng gobernador ang legislative body para sa release ng P5.904 milyon mula sa 5 porsiyentong pondo sa Local Disaster Risk Reduction and Management para sa mga kakailanganing mga gamot, medical supply at bigas.

Lumobo ng 550 porsiyento ang mga kaso ng tigdas mula Enero 1 hanggang Pebrero 6 ng 2019 kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, ayon kay Health Secretary Francisco Duque.

Nagtala ang DOH ng 169 kaso ng tigdas sa NCR mula Enero 1 hanggang Pebrero 6 ngayong taon, malayo sa 26 kaso na naitala noong parehong panahon noong 2018.